28/03/2026
May umiikot na post sa X tungkol sa A’TIN—na kesyo sobra raw sa “first Filipino,” sobra sa timestamps, at minsan mukhang bots na sa sobrang organized ng engagement. Madaling sabihin na “OA,” lalo na kung ang nakikita mo lang ay surface-level na ingay. Pero kapag inunawa mo kung saan nanggagaling ang fandom, (hopefully) you will understand from our point of view.
Kung matagal ka nang sumusubaybay, lalo na noong 2018–2019 era, alam mong hindi biro ang pinagdinaanan ng SB19. Walang instant virality na suportado ng malalaking kumpanya, walang automatic recognition. Kailangan nilang ipaglaban ang bawat stage, bawat stream, bawat boto. At higit sa lahat, ang fandom mismo ang naglatag ng pundasyon—manual ang pag-promote, grassroots ang galaw, at halos survival mode ang peg.
Bilang isang “lumang tao” na sumusubaybay sa SB19 mula pa noong 2019, masasabi kong walang kahit anong achievement nila ang basta lang dumating. Hindi ito kwento ng instant fame. Kwento ito ng dahan-dahang pag-akyat—na bawat hakbang, may laban. At ang fandom mismo ang kasama sa laban na iyon.
Kaya kapag may “first Filipino,” hindi iyon simpleng label. Marker iyon. Patunay iyon na may naabot na hindi basta maitatanggi o mabubura. Para sa A’TIN, hindi siya pagyayabang—kundi pagdo-dokumento ng kasaysayan. Dahil kung hindi mo mamarkahan, sino ang gagawa para sa kanila?
At higit pa doon, ang mga “firsts” na ito ay hindi lang para sa SB19. Nagsisilbi rin silang inspirasyon—hindi lang sa A’TIN, kundi sa ibang artists at groups. Parang sinasabi nito: “Kaya pala. Posible pala.” At malay mo, balang araw, ibang pangalan naman ang may “first” nila—at ipagdiriwang din iyon. Hindi ito pag-angkin ng spotlight; ito ay pagbubukas ng daan. Paving the way as they say it.
Pero gets ko rin kung bakit overwhelming siya para sa iba. Kasi ako mismo, gano’n din noong una.
First time kong maging active fan ng isang artist o pop group. Galing ako sa football fandom—sumusuporta sa Philippine national football team at sa local clubs. Doon, intense din. May pride, may laban, minsan may pisikalan pa dahil sa hooligan mindset ng ilan. Sanay ako sa ganung klase ng passion. We brand ourselves as the 12th man on the field kasi kami ‘yung nagchi-cheer for the team. Ang laban nila ay laban dim naming.
Pero mhie… ibang level pala ang A’TIN.
Nalolokah ang tita mo.
Organized, relentless, effort kung effort—streaming, voting, promotions—lahat ginagawa para sa boys. At habang tumatagal, naintindihan ko kung bakit.
Underdog kasi ang boys noon. Minamaliit. Inaapi. Inaalipusta. Hindi agad binigyan ng respeto na deserve nila. Kaya ‘yung fandom, natutong lumaban. Natutong maging maingay kung kinakailangan. Natutong ipaglaban ang narrative.
At oo, natuto rin akong makibarda. Iniwan ko na ang away sa politics, pero pagdating sa boys, doon ako nati-trigger. Kasi alam ko kung gaano kahirap ang dinaanan nila—at ng fandom.
Gumapang kami sa lusak para sa mga simpleng achievements ng boys.
Hindi ‘yan exaggeration. Realidad ‘yan. Kaya kapag may naabot sila, kahit maliit pa sa paningin ng iba, para sa amin—malaki iyon. Pinaghirapan iyon. Pinaglaban iyon. Kaya oo, ipinagdiriwang. Minsan, iniiyakan pa.
Bilang dating supporter ng national team, pareho ang pakiramdam para sa SB19 as our national treasure. Yung laban ng boys ay laban namin. Yung tagumpay nila, parang tagumpay namin. Kaya kung hindi mo pa naranasan yung ganung klaseng suporta, 'yung nagre-represent ng bansa, baka mahirap talagang maintindihan kung bakit mahalaga ang “first Filipino.”
At kung tutuusin, napaka-humble ng SB19. Hindi sila yung tipong magyayabang sa sarili nilang milestones. Kaya ang fandom ang gumagawa noon para sa kanila. Hindi para manglamang kundi para siguraduhin na nakikita at naaalala ang lahat ng pinaghirapan nila.
Oo, baka overwhelming siya para sa iba. Valid naman ‘yon.
Pero para sa A’TIN, hindi lang ito ingay.
This is a tribute.
This is a step forward—not just for SB19, but for everyone who will come after.
At kung may “first Filipino” man—hayaan n’yo kaming mag-celebrate.
Kasi alam namin kung gaano kahirap makarating doon. If hindi mo gets, okay lang iyan. If di ka maka-relate, okay lang iyan. Pero if wala naman natatapakan ang A’tin sa “First Filipino” na iyan, just let us be.
English version here: https://www.facebook.com/61583010764850/posts/122103490239100358/