02/07/2026
Anong Mali sa PISONET?
Bata pa lang ako, namulat na ako sa computer shop. Doon ako halos lumaki. Halos lahat ng baon ko, nauubos sa paglalaro. Panahon pa ng Counter-Strike 1.3, Red Alert, Warcraft, at kung anu-ano pang classic games. May mga terrorist sa laro, may barilan, may karahasan. Pero alam ko ang kaibahan ng laro at totoong buhay. Hindi ko kailanman inisip na gawin sa realidad ang mga nakikita ko sa screen.
Sa katunayan, naging advantage pa nga sa akin ang computer shop. Ako ang laging nauuna sa klase pagdating sa computer. Marunong gumawa ng PowerPoint presentation, basic editing, at iba pang computer skills. Dahil doon, tumaas ang grades ko at mas naging interesado akong matuto sa technology.
Hanggang ngayon, computer pa rin ang bumubuhay sa akin. Dito umiikot ang hanapbuhay ko at ito rin ang naging daan para mapagtapos ko ang sarili ko sa kolehiyo. Kung tutuusin, ang dating "bisyo" ko ang naging trabaho at negosyo ko ngayon.
Kaya para sa akin, hindi computer shop ang dapat sisihin.
Ang problema ngayon ay mas malawak kaysa computer shop. Sa panahon natin ngayon, halos lahat ng bataโ3, 5, 6, o 7 years oldโmay hawak na cellphone na may unrestricted internet access. Isang pindot lang, kaya nang makapanood ng hindi angkop sa kanilang edad. Hindi lang sa Pilipinas ito nangyayari, kundi sa iba't ibang bansa rin.
Kung may dapat tayong tanungin, hindi lang ang mga negosyo o ang teknolohiya.
Tayo mismong mga magulang at nakatatanda.
Tayo ang nagbibigay ng gadget. Tayo ang nagpapagamit nang walang gabay. Tayo ang minsan ay hindi na alam kung ano ang pinapanood o ginagawa ng mga bata online. Hindi kasalanan ng teknolohiya kung paano ito ginagamit.
Ang computer, internet, at computer shop ay mga kasangkapan lang. Puwede itong maging daan para matuto, kumita, at umasenso. Puwede rin itong magamit sa mali. Nasa tao pa rin ang desisyon.
At ngayon, gusto ko ring ilabas ang sama ng loob ko sa buwayang gobyerno na mas gustong maghanap ng madaling masisi kaysa tugunan ang tunay na ugat ng problema. Imbes na palakasin ang digital education, gabayan ang mga magulang, at protektahan ang mga bata online, mas madali nilang ituro ang daliri sa computer shop.
Hindi computer shop ang sumisira sa kabataan.
Kakulangan sa tamang paggabay, responsibilidad, at edukasyon ang tunay na kalaban.
Bilang dating batang halos araw-araw nasa computer shop, masasabi kong hindi ako sinira nito. Bagkus, dito nagsimula ang hilig ko sa technology, dito nahubog ang skills ko, at dito nagsimula ang buhay na meron ako ngayon.
Huwag nating sisihin ang kagamitan. Turuan natin ang tamang paggamit nito.